Nagpanggap na customer at bumili ng maraming pagkain at inumin ang isang lalaki para matangay niya ang mga cellphone sa isang coffee shop sa Alcala, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita ang pagdating ng suspek sa coffee shop, na humingi ng menu at nag-order ng marami.
Ilang saglit pa, umalis ang lalaki para tawagin daw ang kaniyang mga kasamahan, pero bumalik na mag-isa lang.
Dito na niya kinumpirma ang marami niyang order.
Habang abala na ang barista sa paggawa ng order, sumalakay na ang lalaki at kinuha ang dalawang cellphone sa counter bago umalis.
"Nag-order siya ng maraming food and drinks, Mag-isa lang po ako noon. Kaya noong pumasok ako, hindi ko alam gagawin niya 'yun. Iniwan ko naman po 'yung [cellphone] tiwala naman ako sa kaniya na wala siyang gagawing masama. Iniwan ko 'yung phone ko at 'yung phone ng shop," sabi ng barista.
Halos P25,000 ang halaga ng mga natangay na cellphone ng suspek.
Base pa sa post ng coffee shop, pinagnakawan na rin ng suspek ang isa pang establisimyento.
Tinutukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lalaki gamit ang kuha ng CCTV. —VBL, GMA Integrated News