Patay ang isang 61-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng kanyang kapitbahay sa Imus, Cavite. Ang suspek, nadakip ng mga awtoridad sa tulong ng kanyang asawa at anak.

Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Gerardo Inocentes habang suspek naman sa krimen ang 55-anyos na si Jerry Magno.

Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Inocentes na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Ayon sa ulat, agad na tumakas ang suspek matapos ang krimen pero natunton din ng pulisya makaraang ituro ng kanyang asawa at anak.

Nadakip si Magno sa isang simbahan sa Imus.

“Sobrang lasing nitong suspek saka wala naman siyang dalang pera para makalayo,” saad ni Imus Police chief Police Lieutenant Colonel Jun Alamo.

Ayon kay Alamo, matagal nang may alitan ang biktima at suspek.

“Ito pala ay marami ng blotter na itong dalawang ito ay naghahamon ng saksakan. Mayroon pang insidente na itong ating suspek ay hinabol mismo ng victim,” dagdag pa niya.

Patuloy na sinisikap ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek, na mahaharap sa kasong murder. —Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News