Patay matapos umanong barilin ng asawang pulis sa loob mismo ng istasyon ang isang babae sa Naga, Cebu, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Police Staff Sergeant Fernando Mata habang kinilala naman ang biktima na si Geronia.

Ayon sa imbestigasyon, nasa himpilan ng pulis si Geronia para magsampa ng reklamo laban sa asawang pulis na noon ay off-duty.

Sinugod umano ng suspek ang biktima sa himpilan at matapos noon ay umalingawngaw ang anim na putok ng baril.

Dead on the spot si Geronia habang agad namang nadakip si Fernando.

Ayon sa pulisya, selos ang ugat ng away ng mag-asawa.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. —KBK, GMA Integrated News