Kasabay sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa Cebu City ay isinasagawa rin ang tradisyon sa pagdadala ng mga life-size na imahen ng Three Kings at kanilang camels sa simbahan.
Iniulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa Unang Balita nitong Biyernes na maaga pa lamang sa unang araw ng Misa de Gallo o Simbang Gabi, hila-hila na ang isang grupo ang mga imahen ng Three Kings na sakay ng kanilang mga camel.
Naging tradisyon na umano ito sa tuwing magsisimula na ang Misa de Gallo sa Basilica Minore de Santo Niño sa Cebu City.
Ayon sa ulat, diretso sa Basilica ang mga miyembro ng grupo upang makasali sa Banal na Misa. Maaga ring napuno ang simbahan, ayon sa ulat.
Samantala, sa Cebu Metropolitan Cathedral, may ibang grupo rin ng mga residente ang nagsagawa ng parehong tradisyon na tinatawag nilang "Bangaw". Sakay ng mga higanteng replika ng tatlong camel ang mga totoong tao na nagbibihis biblical wise men. Sila ay araw-araw umanong sumasali sa Misa de Gallo upang mahikayat din ang mga taong magsimba.
Samantala, maaga umanong nag-inspeksyon ang mga pulis, at ayon sa kanila, wala silang nakita ng problema sa seguridad. —LBG, GMA Integrated News