Nailigtas ang isang spinner dolphin na may mga sugat sa ulo at katawan malapit sa baybayin ng Barangay Bula sa General Santos City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabi ng City Environment and Natural Resources Office na maaaring may hinahabol na lamang-dagat ang dolphin para kainin, nang mapadpad sa baybayin at doon na nagtamo ng mga sugat.

Patuloy na ginagamot ang dolphin para maibalik nang maayos sa dagat.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na huwag paglaruan kung may mapadpad na marine creature at agad tumawag sa Bantay Dagat o iba pang mga awtoridad. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News