Makakabalik na sa kaniyang trabaho bilang delivery rider ang isang 65-anyos na lolo sa Pangasinan matapos na mabawi ang kaniyang motorsiklo na tinangay ng kawatan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, sinabing naibalita sa programa noong Disyembre 2 ang pagkawala ng motorsiklo ng biktima si Francisco Jabson sa Dagupan city.
Isang araw makaraang lumabas ang naturang ulat, nakita ang motorsiklo ni Jabson na inabandona sa bayan na ng Asingan.
Labis ang pasasalamat ni Jabson at kaniyang pamilya sa pagkakabawi sa motorsiklo dahil ito ang ginagamit ng biktima sa kaniyang hanapbuhay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagnanakaw sa motorsiklo.--FRJ, GMA Integrated News