Inaresto ang isang lalaki sa Bulacan na wanted umano sa mga kasong pagnanakaw. Ang suspek ayon sa awtoridad, namamasukan daw na drayber at guwardiya para pagnakawan ang kaniyang mga amo.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” ngayong Miyerkules, sinabing nahuli ng mga awtoridad ang 37-anyos na suspek na si Regielo Padua sa isang fastfood restaurant sa Bulacan.
Wanted umano si Padua dahil sa pagnanakaw noong Oktubre sa opisina ng mismong construction company na kaniyang pinapasukan bilang drayber.
Tinangay umano niya ang perang aabot sa P50,000.
Pero ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), dati nang tumangay si Padua ng P1 milyon halaga ng pera at gamit sa amo nito sa Cavite noong namasukan naman siya bilang security guard.
“Tinalian niya ang kamay, tinutukan niya ng service firearm niya, which is ‘yung shotgun. Ang dami niyang nakuha dito. Assorted items like cellular phones, laptops, jewelries, at the same time ‘yung hard ng CCTV camera,” saad ni CIDG-Manila chief Police Lieutenant Colonel Bryan Andulan.
Labis naman ang pagsisisi ng suspek sa kaniyang mga ginagawa.
“Malaking aral na po ito. Ayaw ko pong mangyari sa tatlo ko pong anak na lalaki. Ayaw ko pong dumating ang araw na gumanun [sila] sa landas ko,” giit ni Padua.
Samantala, nanawagan naman ang CIDG sa iba pang nabiktima ng suspek na mag-report sa kanilang tanggapan. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News