Nahuli-cam ang pagtilapon ng isang ama mula sa tricycle na nahagip ng SUV at nabanggap ng pick-up truck sa Calasio, Pangasinan. Ang biktima, kasama ang kaniyang batang anak nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing sakay ng tricycle ang mag-amang Rey at Renz Doria, 6-anyos, binabagtas ang kahabaan ng Barangay Banaoang, nang sumalpok sila sa isang pickup matapos mahagip ng SUV.

Nag-overtake umano ang isang SUV kaya nahagip ang tricycle ng mga biktima.

Nawalan ng kontrol ang tricycle at napunta sa kabilang linya ng kalsada nahagip ng kasalubong na pick-up truck.

Makikita pa sa kuha ng CCTV camera ang pagtilapon ng ama mula sa tricycle na kaagad din nakatayo at paika-ikang naglakad.

“Ang medyo nasaktan lang ‘yung bata na 6-years-old at ‘yung tatay niya which is out of danger naman na. For operation na, surgical operation,” saad ni Calasiao Police Station officer-in-charge Police Lieutenant Colonel Junmar Gonzales.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng fracture sa hita ang bata habang galos naman sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng ama.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima. Pero nakatakdang mag-usap ang kaanak ng biktima at mga drayber ng SUV at pick-up. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News