Patay ang isang estudyante habang naospital ang 44 na iba pang tao dahil umano sa food poisoning na nangyari sa Pili National High School sa Ajuy, Iloilo.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules ng umaga batay sa report ng GMA Regional TV One Western Visayas, sinabing ang napatay na estudyante ay isang 17-anyos na babae.

Ayon sa ulat, lahat ng mga biktima ay nakainom umano ng buko juice sa acquaintance party.

Ayon sa lokal na pamahalaan, isinugod sa iba't ibang ospital ang mga estudyante ng Grade 11,  pati guro at staff ng Pili National High School matapos makaranas ng pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagdudumi.

Ayon sa head teacher ng eskwelahan, patuloy pa nilang inaaalam ang dahilan ng pagkakasakit ng mga estudyante at guro.

Iniimbestigahan na rin umano ng provincial health office ang nangyari. —LBG, GMA Integrated News