Tatlo ang patay matapos masalpok ng isang pampasaherong bus ang isang SUV sa Maharlika Highway na sakop ng Barangay Balubad sa Atimonan, Quezon, nitong Lunes ng gabi.
Base sa report ng Atimonan Municipal Police Station, galing Maynila ang bus patungong Bicol. Sa hindi pa malamang dahilan ay nang-agaw daw ito ng linya at sumalubong sa SUV bandang 11 p.m. nitong Lunes.
Matapos sumalpok sa bus ay humampas pa ang SUV sa nakaparadang trailer truck.
Napag-alamang mga pastor ang sakay ng SUV na patungo sanang Baguio City galing Daet, Camarines Norte, para dumalo sa isang seminar.
Patay ang tatlo sa pitong sakay ng SUV habang sugatan naman ang anim na pasahero ng bus.
Malakas ang ulan sa lugar ng mangyari ang aksidente.
Nagdulot ang aksidente ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Atimonan Municipal Police Station. —Peewee Bacuño/KBK, GMA News