Ang nawawalang 22-anyos na si Jovelyn Galleno ang nakitang kalansay sa Barangay Santa Lourdes, Puerto Princesa sa Palawan batay sa resulta ng DNA test, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Puerto Princesa City police spokesperson Police Captain Maria Victoria Iquin, na 99.9%. match ang DNA sample na kinuha sa kalansay at swab sample mula sa ina ni Galleno.
“Base sa resulta na isinagawag DNA examination ng PNP forensic group sa DNA samples mula sa natagpuang kalansay at buccal swab ng ina ni Jovelyn lumabas na 99.99 percent na tugma ang resulta,” sabi ni Iquin sa GMA News Online nitong Martes.
Ito rin ang inihayag ni Police Major Clyde Kalyawen ng Regional Public Information Office, ayon sa ulat ni Junfred Calamba sa Super Radyo dzBB.
Agosto 5 nang mawala ang dalaga matapos pumasok sa pinagtatatrabahuhan sa loob ng isang mall.
Noong nakaraang linggo, Agosto 23, nakita ang kalansay maging ang ilang gamit ni Galleno sa isang masukal na lugar.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Iquin na umamin sa krimen ang pinsan ni Galleno na si Leobert Dasmariñas, hindi 'Jobert' gaya nang unang iniulat.
Si Leobert din umano ang nagturo sa kinaroroonan ng kalansay. Ginahasa rin umano ang biktima.
Ayon kay Iquin, nalaman ito nang magsaksakan ang mga pinsan ni Galleno na sina Yubert at Leobert matapos magkaroon ng matinding pagtatalo.
Habang iniimbestigahan, doon na inihayag ni Leobert ang ginawang krimen sa kanilang kamag-anak.
Una rito, nagpahayag ng alinlangan ang pamilya ni Galleno kung sa kaniya nga ang kalansay dahil mabilis na naging buto ang mga labi.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News