May person of interest na ang mga awtoridad sa dalawang suspek sa panghoholdap sa isang kainan na inakala ng isang tauhan ng establisimyento na "prank" lang sa Pedro City, Laguna.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nangyari ang panghoholdap sa kainan noong nakaraang linggo.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagpasok sa kainan ng isang lalaki na nakasuot ng helmet. Tinutukan niya ng baril ang ilang kostumer at kinuha ang kanilang mga cellphone.

Makikita rin na hindi pinansin ng isang tauhan ng kainan ang holdaper dahil ayon sa pulis ay inakala niyang prank o nagbibiro lang ito.

Sinabi ng mga awtoridad na nakita ng ibang tao ang mukha ng isa sa mga suspek kaya natukoy ang pagkakakilanlan niya.

Dati na rin daw nasangkot sa katulad na krimen ang naturang suspek na pinaghahanap na.

Pinaigting na rin pulisya ang Oplan-Sita at pagpapatrolya sa mga kainan na bukas pa sa gabi.--FRJ, GMA News