Nananawagan ng tulong ang isang ina sa Guiguinto, Bulacan, matapos malapnos ang balat ng kaniyang anak, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.
Kuwento ng ina ng bata, binuhusan ng kumukulong tubig ng kanilang kapitbahay ang kaniyang anak.
Naglalaro raw ang kaniyang anak kasama ang ibang bata nang lapitan ng kanilang kapitbahay at tanungin kung sino ang maingay. Dito na raw naganap ang pambubuhos ng kumukulong tubig.
Nagtamo ng second degree burn sa kaliwang braso at likod ang bata dahil sa pangyayari.
Idinulog na ng pamilya ng biktima ang insidente sa Women's Desk ng Philippine National Police.
Ayon naman sa asawa ng suspek, aksidente ang nangyari. Nagtapon daw ng kumukulong tubig ang kaniyang asawa sa bintana at hindi niya alam na may bata roon.
Sinabihan daw niya ang ina ng biktima na magbabayad sila at nakiusap na huwag nang ituloy ang demanda. —KBK, GMA News