Hindi matanggap ng isang sundalo na ang alaga nilang aso na nagbigay ng kasiyahan sa kanilang pamilya sa loob ng 13 taon at itinuring na miyembro ng pamilya ay makikita nilang kinatay ng mga construction worker matapos ma-hit and run sa Pavia, Iloilo.
Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing alaga ni 2nd Lieutenant Euvian Chloe Jualan, ang asong si "Mookey," na mixed breed ng aspin at golden retriever.
Pero kamakailan lang, nakalabas ng bahay at na-hit and run sa Barangay Ungka Uno, ang 13-anyos na si Mookey.
Hindi kaagad nalaman ng pamilya ni Jualan ang nangyari sa kanilang alaga kaya nagtungo sila sa barangay.
Itinuro naman umano ng barangay ang lugar kung saan posibleng dinala ang aso-- sa lugar kung saan tumatambay umano ang mga construction worker.
Nang puntahan ng pamilya ni Jualan ang lugar, nanlumo sila nang makita si Mookey na wala nang ulo at nakatay na.
Ang foreman umano ng mga construction worker ang itinuturong pasimuno para katayin ang aso.
Nakipag-ugnayan na ang pamilya ni Jualan sa barangay para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kanilang alaga na itinuturing nilang miyembro ng pamilya.
Nais ni Jualan na mapanagot ang nasa likod ng kalunos-lunos na sinapit ni Mookey na nagbigay umano ng saya sa kanilang pamilya. Wala umanong katumbas na halaga ang kanilang alaga.
Ayon sa ulat, nakasaad sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act of 1998, na kabilang ang aso sa mga hayop na bawal patayin, katayin, kainin at ibenta ang karne.
Maliban na lamang kung para ito sa ritwal ng religious group, o tribal at indigenous people, pag-aaral para sa sensiya, pagkontrol sa populasyon, kung magbibigay ito ng panganib o maysakit ang hayop.
Sinabi ng Pavia police na naka-blotter na sa kanilang tanggapan ang nangyaring isidente.
Ayon sa isang kagawad ng barangay, nakipag-ugnayan na umano sa kanila ang sinasabing foreman na pasimuno sa pagkatay kay Mookey. -- FRJ, GMA News