KALAYAAN, Laguna - Dead on arrival sa General Cailles Hospital sa Pakil, Laguna ang isang 18-anyos na estudyante ng bayan ng Kalayaan, Laguna matapos umano itong sumailalim sa hazing o initiation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity nitong Linggo.

Ayon sa report ng Kalayaan Municipal Police Station, nakarating sa kanilang tanggapan ang impormasyon nitong Linggo na isang binata raw ang nasawi matapos malunod sa isang ilog. Nang kanilang puntahan ay doon na napag-alaman na isa raw pala ito umanong hazing.

Ang lola raw ng biktima ang nagsabi sa mga pulis na isinugod na ito sa pagamutan.

Kinilala ang biktma na si Reymarc Rabutazo ng Barangay Longos, Kalayaan, Laguna.

Nakita ang mga pasa sa mga hita ng biktima.

Humiling na ang Kalayaan Municipal Police Station na ma-autopsy ang bangkay ng biktima.

Sa mga oras na ito ay nakikipagtulungan naman daw sa kanila ang ilang miyembro at opisyal ng Tau Gamma Phi sa Kalayaan, Laguna. —KG, GMA News