Nauwi sa tagaan ang inuman ng isang mag-ama sa Escalante City, Negros Occidental. Isa sa kanila ang nasawi.
Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Mariano Abelinas, 40-anyos.
Inaresto naman ang suspek na anak na si Vicmar Abelinas, 20-anyos, na amoy alak pa umano nang dalhin sa himpilan ng pulisya ng mga tanod ng Barangay Mabini.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, sinabing nag-iinuman ang mag-ama nang magkaroon sila ng pagtatalo at tinaga ng ama ang kaniyang anak na nadaplisan.
Pero naagaw umano ng anak ang itak at doon na nito pinagtataga ang kaniyang ama.
Inihayag umano ng mga kapitbahay, hindi na bago sa kanila ang pag-aaway ng mag-ama lalo na kapag parehong nakainom ang mga ito.
"Pinatay ng anak ang kaniyang ama dahil siguro sumusobra na rin. Since maliit pa ang anak ay palaging sinasaktan ng kaniyang ama," ayon kay Police Lieutenant Glen Portunes, Deputy Chief, Escalante CPS.
Sa kabila ng nangyaring trahediya sa pamilya, wala umanong plano ang asawa ng biktima na sampahan ng kaso ang kaniyang anak.--FRJ, GMA News