Patay sa mga tama ng bala ng baril sa likod ang isang dating barangay chairman sa Labrador, Pangasinan. Ang mga salarin, nagtanong pa raw muna sa biktima bago isinagawa ang krimen.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional Tv "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jovencio dela Cruz, 65-anyos, ng Barangay Bolo.

Ayon sa pulisya, nasa compound ng kaniyang bahay ang biktima at nakikipag-usap sa isang kaibigan nang dumating ang dalawang salarin na sakay sa motorsiklo.

Lumapit ang mga salarin sa biktima at nagtanong pa umano kung nagbebenta ng kawayan ang dating punong barangay.

"Noong tumalikod na yung dalawang nag-uusap saka binalikan si kwan [biktima] at pinagbabaril. Nakatalikod na rin si biktima natin," ayon kay Police Captain Dexter Tayaba, hepe ng Labrador Police Station.

Tumakas ang mga salarin na sakay ng motorsiklo habang hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.

Hindi pa matukoy ng mga pulis ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA News