TAGKAWAYAN, Quezon - Apat ang sugatan matapos araruhin ng six-wheeler truck ang isang bahay at isang furniture shop sa gilid ng Quirino Highway sa Barangay Santa Cecilia, Tagkawayan, Quezon nitong Lunes ng gabi.
Nangyari ang aksidente ng alas-diyes ng gabi.
Galing sa Pili, Camarines Sur ang truck at patungo sana sa Catanauan, Quezon.
Kuwento ng driver ng truck na si Darius Sibulo, may iniwasan siyang bus sa pakurbang bahagi ng highway, at ito ang naging dahilan para makabig niya ang manibela at dumeretso sa bahay at furniture shop.
Wasak na wasak ang isang parte ng furniture shop. Nawasak din ang isang bahay kung saan natutulog ang isang pamilya kabilang ang dalawang bata.
Nadaganan pa ng gumuhong pader ang isang taong gulang na bata. Himalang galos lang ang tinamo nito.
Agad naman na isinugod sa pagamutan ang kanyang ina at ama. Nagtamo ng mga sugat at bone fracture ang ina ng bata. Sugatan din ang ama ng bata.
Ang pahinante ng truck na si Carlo Estrada ay naipit sa unahan truck. Nagtulong-tulong ang mga rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection-Tagkawayan para masagip ito.
Kritikal ang kanyang kondisyon sa pagamutan.
Hindi naman nagtamo ng anumang sugat ang driver ng truck na si Darius Sibulo. Nakahanda naman siyang managot sa pangyayari.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Tagkawayan Municipal Police Station. —KG, GMA News