Iniulat na nasa 17 katao ang nasawi at 22 pa ang nawawala sa Palawan na isa sa mga lalawigan na hagupit ng bagyong "Odette."

Sa ulat ni Junfred Calamba ng Super Radyo Palawan nitong Martes, sinabi niyang isang batang dalawang-taong-gulang ang tinangay ng baha sa Barangay Irawan sa Puerto Princesa City.

Kasama umano ng bata ang kaniyang pamilya na tumatawid sa binahang kalsada noong Biyernes ng gabi matapos silang lumikas mula sa kanilang bahay.

Isang bangkay naman ng senior citizen ang nakita sa Barangay Lucbuan. Lima naman ang naiulat na nasawi sa Langogan.

Ayon sa ulat, 22 katao ang nawawala sa isang isla sa munisipalidad ng Roxas, ang ika-siyam at huling lugar kung saan nag-landfall ang bagyong Odette.

Sinabi ni Calamba na inabot ng walo hanggang siyam na oras ang pagbiyahe nila mula sa Puerto Princesa patungong Roxas.

Marami umano sa kalsada ang hindi madadaanan ng mga four-wheeled vehicles at motorsiklo lang ang makakalusot.

Sa Puerto Princesa, pahirapan ang mga linya ng komunikasyon at walang kuryente.

Naglagay naman ang Super Radyo Palawan ng charging station para sa mga residente na nais gumamit ng cellphone.

Marami ring kabayahan sa lungsod ang nasira at nawalan ng bubungan.

Pahirapan din umano ang makukuhanan ng malinis at maiinom na tubig. Ayon kay Calamba, kumukuha ang mga residente ng tubig sa mga balon, bukal at sirang tubo ng tubig.—FRJ, GMA New