Nang manalasa ang bagyong "Odette" sa Bohol, nagpasya ang pamilya Ramos sa bayan ng Ubay na lumipat sa katabing bodega na gawa sa kongkreto sa pag-aakalang kakayanin nito ang hagupit ng bagyo. Pero ang bodega, gumuho.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nasawi sa trahediya si Tarcila Ramos, at dalawa niyang anak na babae.
Sugatan naman ang kanilang padre de pamilya at dalawa pa nilang anak.
Ang asawa ng caretaker ng bodega, nasawi rin.
Nawasak din ang kanilang bahay na nasa bukid.
Makikita ang lawak ng pinsala at lakas ng bagyo.
Sa impormasyon na ipinost ni Bohol Governor Arthur Yap sa Facebook, sinabing 80 na ang nasawi sa lalawigan, 13 ang nawawala at 78 ang sugatan.
Ang naturang tala ay para pa lamang sa 42 ng 48 na LGUs ng Bohol. Pahirapan pa umano ang linya ng komunikasyon sa anim pang lokalidad sa lalawigan.
Ang mga nasawi ay mula sa mga bayan na ito:
Antequera: 3
Calape: 3
Catigbian: 4
Loon: 6
Maribojoc: 2
Panglao: 1
Tubigon: 3
Buenavista: 4
Clarin: 1
Inabanga: 4
Getafe: 3
Pres. Carlos P. Garcia: 5
San Miguel: 6
Trinidad: 2
Talibon: 1
Ubay: 12
Alicia: 4
Batuan: 1
Candijay: 2
Guindulman: 4
Jagna: 2
Loboc: 1
Mabini: 2
Pilar: 2
Valencia: 2
--FRJ, GMA News