Nakita sa kuha ng drone camera ang puwersa ng alon nang hambalusin at wasakin nito ang isang bangka na may sakay na dalawang mangingisda sa karagatan sa bahagi ng Bolinao, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, makikita ang isang bangka habang tila idinuduyan ng naglalakihang alon sa bahagi ng Patar Beach sa Bolinao.
Ilang saglit pa, hinambalos na ng alon ang bangka na nagkalasog-lasog.
Nagpalutang-lutang naman sa dagat ang dalawang mangingisda na nasagip naman kinalaunan.
Kuwento ng may-ari ng drone camera na si Milo Mendeguarin, nasira ang makina ng bangka habang nasa dagat.
"Yung alon lang talaga ang malakas. Kasi yung mga lumaot bale pito sila. Yung tatlo nakalusot kasi natimingan [timing] nila yung alon. Then yung pang-apat na, siya yung nadele kasi kasi nga namatayan na siya ng makina," kuwento niya.
Sinabi naman ni Dian Lovemore Carranza, Bolinao-MDRRM Officer, nakasubaybay sila sa loob ng 24 oras sa gale warning at masusi ang kanilang pagbabantay kapag hindi maganda ang panahon para maabisuhan ang mga barangay. --FRJ, GMA News