Ilang miyembro ng LGBTQ+ community sa Ampatuan, Maguindanao, ang kinalbo dahil daw sa paglabag sa Islam, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao sa Unang Balita nitong Huwebes.
Nagmistulang mass haircut activity para sa mga gustong mag-pulis o sundalo ang eksena dahil sa dami ng mga ginupitan.
Ayon sa isang opisyal, mahigpit na ipinagbabawal sa paniniwalang Islam ang maging miyembro ng LGBT community.
Magkakaiba naman ang naging reaksiyon ng netizens nang ma-post ang mga larawan ng mga kinalbo sa social media.
Isa sa mga hindi sang-ayon dito ay si King Mangudadatu, board member ng Second District ng Maguindanao.
"Dapat hindi nila ginawa ito dahil mas lalong magrerebelde yung mga bata at mas lalong hindi sila susunod. Meron tayong batas na bawal ang magkaroon ng diskriminasyon," aniya.
Ayon sa isang source, pawang mga Muslim lang na LGBT ang sinampolan sa lugar. Iginiit nito na labag ang pagiging miyembro ng LGBT sa kanilang Qoran. --KBK, GMA News