Bentang-benta sa masa ang inilalakong nilupak overload ng isang padre de pamilya sa Maynila na P20 ang isa. Dahil sa nilupak, nasusuportahan niya ang gastusin ng kaniyang pamilya at pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Sa nakaraang episode ng programang "Good News," itinampok ang negosyong nilupak overload ni Noel Bautista, na pinipilahan sa Quiapo.
Ang tinda niyang ube-flavored nilupak, mayroon ding bukayo, margarine at condensed milk.
Nagmula umano ang kaniyang nilupak recipe sa kaniyang lolo na naipasa sa kaniyang ama, na kaniya namang ipinagpapatuloy ngayon.
Bata pa lamang, katuwang na raw si Bautista ang kaniyang mga magulang sa pagtitinda ng nilupak na pangunahing sangkap ang kamoteng-kahoy at ubeng puti.
Si Bautista mismo ang gumagawa ng kaniyang mga nilupak sa kanilang bahay sa Tondo, at pagkatapos ay ibibiyahe niya papunta sa Quiapo gamit ang kariton upang doon ibenta.
Umaabot umano ng dalawa hanggang tatlong oras ang kaniyang nilalakad. Ang kaniyang nilupak, mabibili sa halagang P20 ang isa, o P50 kung tatlo.
Sa halagang P2,500 na puhunan sa paggawa ng nilupak, sinabi si Bautista na kapag nakapagbenta siya ng 200 piraso, aabot sa P1,500 hanggang P2,000 kada araw ang kaniyang kita.
Dahil sa pagtitinda ng nilupak, nasusuportahan niya ang anim niyang mga anak. Nasa kolehiyo na ang panganay niya habang pumapasok na rin sa paaralan ang tatlong iba pa.
"Iyan po ang maipapamana ko sa mga anak ko, makapagtapos po sila ng pag-aaral," sabi ni Bautista.
Tunghayan sa Good News ang proseso ng paggawa ni Bautista ng kaniyang nilupak overload. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News