Nasawi ang isang 53-anyos na babaeng nagjo-jogging, habang sugatan ang dalawa pa niyang kasamang babae rin, matapos silang masalpok ng isang pickup truck sa Bacolod City. Ang mga biktima, sandali raw tumigil sa daan para mag-picture-taking.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Tangub nitong Martes ng umaga.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ramel Sarona, Traffic Management Unit (TMU) head, nagjo-jogging ang mga biktima at sandaling huminto sa daan para sa picture taking nang mahagip sila ng pickup truck na minamaneho ni Fernando Oquina, 59-anyos.

Sa video footage, makikita na may mga tao na tumutulong sa mga biktima na nakahandusay sa daan.

Gayunman, pumanaw ang isa sa kanila.

Idinahilan naman ni Oquina na hindi niya napansin sa daan ang mga biktima.

Desidido ang mga kamag-anak ng biktima na sampahan ng reklamo si Oquinna. -- FRJ, GMA Integrated News