Naging memes si Ashley Ortega at ka-duo niyang si AC Bonifacio dahil sa kanilang mga emosyon matapos silang ma-evict sa "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition." Si Ashley, nagpaliwanag sa likod ng kaniyang pagkatulala at tila nakatingin sa kawalan.

"Actually kasi sa three weeks ko sa loob ng bahay ni Kuya, ang daming iyak doon. Ang dami kong iniyak, iniyak ko na lahat, ubos na," natatawang sabi ni Ashley sa GMA Show na "Unang Hirit."

Ayon sa aktres, unti-unti na niyang tinanggap noon ang posibilidad na mapaalis sila ni AC nang ma-nominate sila para sa eviction.

"And then, nu'ng na-nominate pa lang, parang slowly ina-accept ko na na parang baka ito na 'yung last week ko sa bahay ni Kuya. So kumbaga nasa acceptance stage na ito. Natulala ako, wala lang akong maiyak," ani Ashley.

Nagkahalo-halo na rin daw ang kaniyang emosyon, at may kaunti pa siyang iniisip na pag-asa na maaari pang lumaban ang tandem nila ni AC,

"Naiyak ko na, tapos natulala. Tapos hindi kasi nag-sink in sa akin. Medyo may konting hope pa ako na 'May chance pa ito,' na laban lang hanggang sa huli," sabi ni Ashley.

Pero hindi naman daw pipilitin ni Ashley ang kanilang kapalaran sa PBB kung talagang hindi na nila kaya.

Tatlong linggong nasa loob ng Bahay ni Kuya, tila muling nanibago si Ashley sa kaniyang paglabas sa dami ng taong nakisalamuha at nanonood sa kanila.

"Tapos, 'yung feeling na tulala na lang ako, kasi 'yung bigla na lang may mga ibang taong humawak sa akin. 'Yung sa outside world, 'yung hinila ka ng mga prod, tapos 'yung camera na lang bigla na may mga cameraman. Eh sanay kami na kami lang nakikita. So parang na-shock talaga ako," ayon pa sa aktres.

"Pinipigilan ko pang umiyak kasi ang daming tao," pagpapatuloy niya.

Nakita na rin umano ni Ashley ang viral memes nila ni AC kaugnay sa naging reaksyon nila sa eviction night.

Sina Ashley at AC ang mga unang housemates na lumabas sa bahay ni Kuya sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."-- FRJ, GMA Integrated News