Binaril at napatay habang naglalakad sa Cebu City nitong Lunes ang babaeng nagsampa ng reklamo laban sa 11 pulis. Ang isa sa mga pulis na inirereklamo, nakita naman patay at hinihinalang nagbaril sa sarili.
Sa pahayag ng Police Region Office 7 nitong Martes, sinabing naglalakas sa N. Bacalso Avenue ang biktimang si Ritchie Nepomuceno, nang barilin siya ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga salarin patungong Ibabao sa Barangay Quiot.
Nagtamo si Nepomuceno ng tama ng bala sa mukha na kaniyang ikinasawi.
BASAHIN: 13 pulis, sangkot umano sa pagnanakaw, pag-torture at panghahalay sa Cebu City
Ayon kay Police Major Alejandro Batobalonos, hepe ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group-Visayas, si Nepomuceno ang naghain ng reklamo laban sa 11 pulis na nakatalaga sa Sawang Calero Police station noong nakaraang buwan.
Sinabi pa ni Batobalonos na isang oras matapos patayin si Nepomuceno, nakita naman patay ang isa sa mga pulis na inirereklamo.
“Isang oras lang ang pagitan nang nabaril ‘yung complainant, nag-suicide din itong pulis,” anang opisyal.
Ayon kay Batobalonos, inaalam pa ng mga imbestigador kung may koneksiyon ang dalawang insidente.— FRJ, GMA News