Inaresto ang isang 27-anyos na lalaki matapos na akusahan ng panghahalay sa isang menor de edad na babaeng may kapansanan o person with disability sa Rosales, Pangasinan.
Ayon sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabi ng mga awtoridad na hinanap ng mga magulang ang kanilang 17-anyos na anak na PWD.
Nakita nila ang dalagita sa bahay ng isa nilang kamag-anak na may nag-iinuman dahil sa birthday party.
Pero naghinala ang ama ng biktima nang mapansin na magulo ang buhok ng anak at kahina-hinala ang kilos.
Nang tanungin ng ama, nagtapat na ang biktima sa ginawang panghahalay sa kaniya ng suspek.
Lumitaw sa medical examination na posibleng nagalaw ang biktima.
Pero mariing itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.
Desidido naman ang ama ng biktima na sampahan ng reklamo ang suspek.--FRJ, GMA News