Patay sa pamamaril ang isang 23-anyos na estudyante sa Bacolod City. Bukod sa anggulong holdap, may iba pang motibong pinag-aaralan ang mga awtoridad.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One Western Visayas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Angelica Montalvo, first year HRM student.
Sakay ng kotse si Montalvo kasama ang kaniyang live in partner nang dumating ang isang lalaking armado ng baril at sumakay din sa kotse sa Barangay Tangub.
Inutusan sila ng salarin na paandarin ang sasakyan pero pagsapit sa circumferential road ay kinuha ng salarin ang cellphone at pera ng biktima bago binaril sa ulo at tumakas.
Isinugod sa ospital si Montalvo pero binawian din ng buhay.
Bukod sa holdap, tinitingnan din ng mga awtoridad ang komplikadong relasyon ni Montalvo sa kaniyang ka-live in na mayroon nang pamilya.
Samantala, isang "asset" ng National Bureau of Investigation ang binaril at napatay din sa Bacolod nang araw na paslangin si Montalvo.
Kinilala ang biktima na si Gerome Sientos, 62-anyos, na binaril malapit sa kaniyang bahay sa Barangay 32.
Ayon sa mga saksi, sakay ng pulang sasakyan ang mga salarin na mabilis na tumakas matapos na pagbabarilin ang biktima.
Dahil sa nangyaring magkasunod na krimen, dinagdagan ng mga awtoridad ang police visibility sa lungsod.--FRJ, GMA News