Naaresto ang isang top executive ng Rigen Marketing, isang kompanya na sangkot umano sa pyramiding at nakatangay ng P8 bilyon sa mga naging biktima nito sa Davao.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Kharl Dexter Auditor, na naaresto ng mga tauhan ng NBI-Laguna District Office sa kaniyang bahay sa Laguna sa bisa ng warrant of arrest.
Nakapambiktima umano ang kumpanya ni Auditor ng libo-libong investors sa Davao at iba pang kalapit na probinsiya.
"We have deployed our teams to arrest personalities like Kharl Dexter Auditor, persons behind the Rigen marketing financial scam, allegedly who have amassed almost P8 billion," ayon kay Eric Distor, director ng NBI.
Sinabi ng NBI na nangangako ng hanggang 400% tubo ang Rigen marketing sa kanilang investors kaya mabilis na dumami ang nag-invest sa Tagum, General Santos, Davao del Sur at Davao Occidental.
"Ang verification na ginawa namin, na-locate namin na nasa San Pablo siya at meron siyang tindahan doon... Marami ang mga naging biktima nito sa Davao," sabi ni Atty. Danilo Daganzo, chief, NBI Laguna District Office.
"Ang sabi pa nga niya sa akin mga P500 million ang involved na nakuha ng grupo. Hindi raw niya alam kung nasaan ang pera," dagdag ng opisyal.
Marso 2020 nang dakipin ng NBI Special Task Force sa Parañaque ang pinaka-founder ng Rigen Marketing na si Rico John Garcia, na dinala sa Tagum City sa Davao para harapin ang kasong syndicated estafa.
Umaabot umano sa P2 bilyon ang natangay ni Garcia mula sa P8 bilyon na nakuha ng grupo sa mga biktima.
Sinikap ng GMA News na makunan ng panayam si Auditor pero tumangging magbigay ng panayam. --Jamil Santos/FRJ, GMA News