Dahil sa banta ng african swine fever o ASF, hindi muna inirerekomenda ng isang opisyal ng Department of Agriculture-Western Visayas, sa mga tao sa rehiyon na bumili ng mga hamon o Christmas ham sa pamamagitan ng pag-order sa social media.

Ayon kay Remelyn Recoter, regional executive director ng DA-Western Visayas, mahigpit pa rin ang kanilang ginagawang mga hakbang para mapanatiling ASF-free ang rehiyon.

Noong nakaraang linggo, nakakumpiska ang DA ng hot meat sa Negros Occidental at pinaniniwalaang ginamit ang social media sa pag-order ng produkto.

Posible umanong maka-order din ang mga residente sa social media ang ham na may ASF at maging dahilan ito para mapasok at kumalat sa Western Visayas ang nasabing sakit sa baboy.

Para mapanatiling ASF free ang rehiyon, patuloy ang isinasagawang checkpoint ng mga awtoridad lalo na ngayong holiday season.

Ayon kay Recoter, mas makabubuting sa mga lehitimo at accredited business establishments lang bumili ng mga hamon ang mga tao.

Sa Cagayan, mahigit 4,000 baboy mula sa siyam na bayan sa Cagayan ang kinailangan na patayin dahil sa ASF.


--Jun Aguirre/FRJ, GMA News