Lubog pa rin sa baha ang maraming bayan sa Pampanga kahit ilang araw nang maganda ang panahon, dahil umano'y mababa talaga ang naturang mga lugar bilang catch basin sa Central Luzon.
Iniulat sa "Balitanghali" na halos buong bayan ng Macabebe ay lubog pa rin sa baha at pahirap sa mga namamasada ang baha sa mga kalsada kahit walang ulan.
Pahayag ng Pampanga provincial government information official na si Joel Mapiles, imposible nang mawala ang baha sa Macabebe dahil mababa raw talaga ang bayan, at kahit hindi umulan binabaha ito sa tuwing high tide at dito umaagos ang umaapaw na Pampanga River.
Natagal na umanong problema ang baha sa bayan kahit sinisikap ng national government at lokal na pamahalaan na solusyunan ang problema.
Bukod sa Macabebe, binaha rin ang mga bayan ng Arayat, Candaba, San Simon, Masantol, at San Luis -- mga bayan na nasa tabi ng Pampanga River. —LBG, GMA News