Kasunod ng pagkasawi ng isang rider na nasabit at nalaslas ang leeg sa tali ng saranggola sa Ilocos Sur, may nagmumungkahi na ipagbawal ang paggamit ng mga taling may bubog sa pagpapalipad ng saranggola sa munisipalidad ng Caoayan.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabi na plano ng Sanggunian ng Kabataan ng Caoayan, Ilocos Sur na magpasa ng ordinansa para kontrolin ang paglalaro ng saranggola.
"As part also of the legislation, why not propose to prohibit paggamit ng taling may bubog," ayon kay Russel Quidulit, SK President.
Karaniwang nilalagyan ng bubog mula sa binasag na bote o bumbilya ang mga tali ng saranggola para sa "kite fight" upang mapatid ang tali ng kalaban habang nasa ere.
Ang napatid na tali na may bubog ang sinasabing nakapatay sa rider na si Benedict Paiste, nang sumabit ang leeg niya sa tali at nalaslas habang binabagtas ng biktima ang Bypass Road sa Vigan City, Ilocos Sur.
BASAHIN: Rider, patay nang nalaslas ang leeg sa tali ng saranggola
Nasugatan din sa leeg ang angkas ni Paiste pero nakaligtas sa naturang insidente.
Isang nagsasaranggola ang dinakip pero iginiit niya na hindi siya ang nakadisgrasya sa biktima.
Samantala, nakiusap naman si Police Colonel Ronald Ragao, Provincial Director ng Ilocos Sur Police Provincial Office, sa mga opisyal ng barangay sa lalawigan na kumilos din laban sa peligrong dulot ng saranggalo.
"Mga barangay captain please lang, hindi po namin pinagbabawalan pero kayo po ay isa rin sa responsibilidad na inyong titingnan ang kinasasakupan ninyo," sabi ni Ragao.
Dagdag pa ng opisyal, dapat na maging responsable ang mga may-ari ng saranggola.
"Dapat yung may-ari ng saranggola is responsible enough. Once na may napatid [na tali] kukunin niya 'yon then ayusin niya," ayon kay Ragao.--FRJ, GMA News