Naibalik sa pangangalaga ang isang mag-inang Palawan Pangolin na namataan sa Puerto Princesa City, Palawan, upang maiwasan ang posibleng paghuli at pagkatay sa mga ito.
Ayon sa ulat ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), naibalik sa kanila ang mag-inang pangolin ni Antonio Cuino na taga-Barangay Luzviminda ng nasabing lugar noong Hunyo 28 ng hapon.
Nang makapanayam ng mga taga PCSD- Wildlife Traffic Monitoring Unit (WTMU), sinabi ni Cuino na kinuha niya ang mag-inang pangolin na namataan niya malapit sa ilang gusali.
Posibleng manganib ang buhay ng mga pangolin mula sa mga tao na maaari silang gawing pagkain, o pagkakitaan ang kanilang kaliskis para sa gamot.
Ayon pa kay Cuino, unang beses niyang makakita ng mga pangolin mula nang lumipat siya sa kaniyang lugar noong 2004.
Dagdag pa ni Cuino, naawa siya sa mag-inang pangolin pero hindi sila pamilyar sa mga kinakain at pangangailangan nito kaya ibinalik niya na lang ito sa PCSD. —LBG, GMA News