Ilang batang Aeta sa Casiguran, Aurora ang nangangamba na hindi makapag-enroll para sa darating na pasukan dahil wala silang sapat na kagamitan para sa blended learning.
Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, hindi sapat ang kinikita ng mga magulang ng mga batang Aeta para pambili ng gadgets.
"Sana matulungan niyo po kami," ani Larry Valencia, chieftain ng IPMR.
"Kung hindi face-to-face ang gagamitin ngayong pasukan ay mahihirapan po talaga yung mga bata kasi wala pong maibili ng mga gamit," dagdag pa niya.
Paiiralin ng Department of Education ang blended learning sa darating na pasukan dahil sa banta ng COVID-19 alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama't nagtapos na ang isang buwang enrollment nitong June 30, pinalawig ito ng pamahalaan hanggang July 15. —KBK, GMA News