Isang botika at clinic na iligal umanong pinatatakbo ng mga dayuhang Tsino ang sinalakay sa Angeles, Pampanga, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.
Tumambad sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang anim na hospital beds, mga dextrose, mga hindi rehistradong Chinese medicine at mga rapit test at swab kits para sa COVID-19.
Hawig daw ang mga gamot sa mga nakumpiska noong nakaraang linggo sa isang underground health facility sa Fontana sa Clark, Pampanga.
Arestado ang mag-amang Tsino. Tinangka pa raw tumakas sa bubong ng amang suspek.
Sabi ng kanilang interpreter doktor talaga ang isa sa kanila pero matagal nang hindi naggagamot sa Pilipinas. Sa mga kapwa Tsino lang din daw sila nagbebenta ng gamot para sa sakit sa ulo at pagdurumi.
Inaalam pa kung legal ang pananatili sa bansa ng dalawang dayuhan. --KBK, GMA News