Mahigit 30 na manonood sa magkahiwalay na sinehan sa Calabarzon ang hinuli ng mga pulis dahil sa paglabag nila umano sa Republic Act No. 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Huwebes, umabot sa 37 na pasaway ang dinakip — 34 sa Lemery, Batangas at tatlo sa mga sinehan sa Sta. Rosa at San Pablo sa Laguna.

Ayon sa mga awtoridad, ilang araw na nilang ipinapaalala sa mga sinehan sa Calabazon na tumayo ang lahat para sa pag-awit ng national anthem.

Sa kuha ng Lemery police sa loob ng isang sinehan, ilang manonood ang hindi tumayo at nagbigay-galang sa "Lupang Hinirang" na ipinatugtog bago mag-umpisa ang palabas.

Karamihan sa kanila ay sarap na sarap pa rin sa pag-upo, pagkain, at may nakita pang nagyayakapan.

Kasama raw sa mga nahuli ng pulis-Calabarzon ang asawa ng isang barangay chairman at isang anak ng mayor ng Batangas.

Ayon kay Police Chief Inspector Alfie Salang, hepe ng Lemery police, "Meron diyan 'yung mga anak ng politicians, meron diyan 'yung mga asawa't kamag-anak. Ako, personally, may kakilala ako."

"Pagdating po sa batas, ma pa malaki o malit na batas 'yan, dapat pantay-pantay po tayo."

Sinubukan daw makiusap ng mga nahuli pero ayon sa alagad ng batas: "Meron po tayong kasabihan sa batas na ignorance of the law (which) excuses no one."

RA 8491

Sa ilalim ng Republic Act 8491, pwedeng maparusahan ang mga lalabag nito ng P5,000 hanggang P20,000 na multa o pagkakulong ng isang taon.

Mahigpit raw itong ipapatupad ng PRO 4A.

Na-suggest na rin daw ito kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, ayon kay PNP PRO-4A Regional Director Police Chief Superintendent Edward Carranza

"This is an awakening to the people here in Calabarzon," ani Carranza.

"And I have already relayed thos Oplan to the chief PNP and he really likes the idea of what we have implemented here. Ngayon inumpisa natin 'to sa PRO 4A Calabarzon," dagdag nito.

Paalala naman ni Police Senior Superintendent Edwin Quilates, Provincial Director ng Batangas PPO: "Our flag is a symbol of our freedom, and democracy and independence as a people."

"Our independence was brought possible by the sweat and blood and the ultimate sacrifices of our National Heroes 120 years ago," dagdag nito.

"Kailangan po 'yan kasi 'yan ang naging simbolo ng ating kasarinlan, ang simbolo ng pagmamahal sa bayan, ang pag-respeto sa ating bandila."

Sa police station, kanya-kanyang palusot ang binigay ng mga nahuli.

"Hindi ko naman po alam na may policy pong ganyan sa sinehan kaya po hindi talaga ako nakatayo."

"'Yung mga kasama ko nakatayo. Eh ako 'yung may hawak ng pagkain, kaya hindi ako tumayo."

"Akala ko ho advertisment lang ho 'yon kagaya ng mga kapag nagsisimula ho 'yung sa sinehan." —JST, GMA News