Nauwi sa trahediya ang pangangaso ng magbayaw sa Danglas, Abra nang mabaril ang isa sa kanila sa halip na ang hinuhuling baboy-damo.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Alvin Batino, 23-anyos. Sumuko naman sa pulisya ang kaniyang bayaw na nakabaril sa kaniya na si Alfredo Laureta.

Lumalabas sa imbestigasyon na magkasamang pumunta sa gubat ang magbayaw at isa pang lalaki para mangaso.

Nang may makita umanong baboy-damo si Laureta, sinundan niya ito at binaril ng shotgun.

Pero sa kasamaang-palad ang kaniyang bayaw ang tinamaan at hindi ang target na hayop.

Nagdesisyon ang pamilya ng biktima na hindi na magsampa ng reklamo laban kay Laureta dahil naniniwala silang aksidente ang nangyari. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News