Dumating na sa bansa ang bangkay ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jelyn Arguzon, na pumanaw sa Saudi Arabia dahil umano sa "natural causes." Pero pinagdududahan ito ng kaniyang mga kaanak dahil nagreklamo umano siya na minamaltrato ng amo bago siya namatay.

Dumating sa bansa ang bangkay ni Arguzon nitong Martes, na sinalubong nina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac at Deputy Administrator Mary Melanie Quiño, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ignacio na tutulong ang OWWA sa pamilya ni Arguzon para maiuwi sa kaniyang lalawigan sa Aurora ang kaniyang mga labi, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Noong lang nakaraang June 16 nang ipadala si Arguzon sa Saudi Arabia. Ngunit isang linggo pa lang matapos magtrabaho, nagsumbong na siya sa kaniyang mga kaanak na minamaltrato siya. Pagsapit ng June 28, hindi na siya makausap ng pamilya sa Pilipinas kaya lumapit sila sa OWWA noong July 19.

Pagsapit ng July 29, nakumpirma na patay na si Arguzon dahil umano sa "natural causes."

Ayon sa OWWA, hiniling ng pamilya Arguzon na magkaroon ng panibagong awtopsiya sa mga labi ng OFW para malaman ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Una rito, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hihilingan nila sa pamahalaan ng Saudi Arabia na kasuhan ang amo ni Arguzon kapag lumitaw sa awtopsiya sa Pilipinas na may foul play sa pagkamatay ng OFW. —FRJ, GMA Integrated News