Mahigit 25,000 trabaho sa Japan ang maaaring aplayan sa job fair na gaganapin sa Robinsons Galleria sa Quezon City sa August 1, 2024.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mga manggagawa para sa construction, hospitality, at medical fields ang kakailanganin sa Japan na inanunsyo kasabay ng pagdiriwang ng Philippine-Japan Friendship Week.
“Yung mga makikilahok dito mga licensed recruitment agencies. Inaasahan na rin na mas madali kasi andoon na mismo sila. Hindi na kailangan pumunta sa Makati, Manila or saan man," ayon kay Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers.
"Nandoon ang recruitment agency, nandiyan na sila at one stop shop. Mga government agencies nandoon din," dagdag pa niya.
Ayon sa ulat, gusto ng mga Japanese employer ang mga manggagawang Pinoy dahil sa pagiging tapat, masipag at masunurin.
Sa datos ng DMW, mahigit 2 milyon ang kabuuang bilang ng mga dayuhang manggagawa sa Japan, at pangatlo ang mga Pinoy sa pinakamarami na umaabot sa mahigit 300,000 documented workers sa professional at skilled category.
Pagtiyak ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya, aalagaan ng kanilang bansa ang mga OFW sa Japan.
“Japan shares the same values and we are one with the Philippines in ensuring that OFWs obtain decent work. We mandate that all foreign workers receive [the] same wages, protection and benefits as their Japanese counterparts,” ayon kay Kazuya. — FRJ, GMA Integrated News