Makakatira ka na sa lugar na may magagandang tanawin sa mga kabundukan sa Tuscany, Italy, babayaran ka pa ng kanilang pamahalaan. Sa pamamagitan 'yan ng programang “Residentiality in the Mountains 2024.”
Sa programang "Dapat Alam Mo!," sinabing naglaan ang gobyerno ng Italy ng €10,000 hanggang €30,000 o aabot ng mahigit P1.8 milyon bilang panimulang pangtustos sa mga aplikanteng lilipat doon sa Tuscany.
Ang pera na kanilang matatanggap, maaari gamitin ng lilipat doon para bumili o magpaayos ng kanilang titirahang bahay sa Tuscany.
Maaari umanong mamili sa 76 bayan sa rehiyon ng Tuscany ang mga interesado, na deadline ng aplikasyon ay sa Hulyo 27.
Para maging kuwalipikado sa programa, ang isang tao ay dapat lagpas 18 ang edad, isang Italian o European Union citizen, o non-EU citizen na may permit na tumira sa Italy na valid na hindi bababa ng 10 taon, at legal na naninirahan sa isang Italian municipality na wala sa mga kabundukan.
Ang mga aplikante ay dapat bumili ng bahay para sa residential use, at maaari silang mag-apply online bago mag 1pm CET sa Hulyo 27.
Hindi naman maaaring magpalipat-lipat kung rehistrado na sa isang bayan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News