Sa pagdiriwang ng ika-126 taon ng kasarinlan ng Pilipinas nitong Miyerkules, libu-libong trabaho ang inialok sa mga job fair, kasama ang nasa 7,000 job order para sa abroad.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing kabilang sa mga inialok na trabaho sa job fair na inorganisa ng Department of Migrant Workers ay para sa mga bansang Australia, Bahrain, Brunei, Cambodia, China, Croatia, Germany, Hungary, Japan, Jordan, Saudi Arabia, New Zealand, Qatar Slovakia, Thailand, United Arab Emirates, United States, at Vanuatu.

Kailangan umano ang iba't ibang bansa na lumahok sa job fair ang skilled workers at professionals.

Kabilang dito ang mga:

  •     Waiters
  •     Housekeepers
  •     Baker
  •     Barsita
  •     Beautician
  •     Braodcast Manager
  •     Butcher Carpenters
  •     Cooks
  •     Service crew
  •     Mathematics teachers
  •     Seafarers

Ayon sa DMW, lalong nagiging in-demand ang mga Pinoy workers sa abroad dahil sa pagiging masipag, matiyaga at may malasakit.

Sinabi rin ni DMW Secretary Hans Cacdac, na nadaragdagan din ang mga bansa na magkaroon ng bilateral labor agreement sa Pilipinas.

“Nakikita natin na Europe is opening up and even certain parts of Asia na matagal na rin natin kausap sa bilateral labor talks Japan for instance,” pahayag ni Cacdac.

Bukod sa mga jobs fair para sa mga trabaho sa abroad, may mga job fair din na ginawa sa iba pang bahagi ng Metro Manila.

Kaya nagpaalala ang DMW sa mga aplikante na maging maingat at mapanuri upang hindi maloko o mabiktima ng mga illegal recruiter.

Maaaring bisitahin ang website ng DMW upang alamin kung lisensiyado ang recruitment agency at kung tunay ang job orders.

Ipinaalala rin ng DMW na huwag basta maniniwala sa mga trabahong iniaalok sa social media.-- FRJ, GMA Integrated News