Pansamantala umanong itinigil ng Kuwaiti government ang pagbibigay ng visa sa mga Filipino, ayon sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes.
Ang anunsyo ay nanggaling umano sa Kuwaiti Interior Ministry, dahil may nilabag daw ang Philippine government sa bilateral agreement ng dalawang bansa.
Wala namang ibigay na detalye tungkol sa sinasabing paglabag na ginawa ng panig ng Pilipinas.
Nitong nakaraang Pebrero, nagpatupad ng deployment ban sa mga first time domestic workers sa Kuwait ang Department of Migrant Workers (DMW) kasunod ng brutal na pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) Julleebee Ranara, at iba pang insidente ng pagmamaltrato sa mga OFW.
Suspek sa pagpatay kay Ranara ang anak ng kaniyang amo.
Inihayag naman ng DMW na wala pa silang pormal na komunikasyon na nakukuha mula sa Kuwait tungkol sa nasabing pagpapatigil ng pagbibigay ng visa sa mga Pinoy. — FRJ, GMA Integrated News