Nakatakas man sa kaguluhan sa Sudan, dusa pa rin umano ang inabot ng ilang Filipino na nakarating sa border ng Egypt. Bukod sa gutom, sa gilid ng kalye umano natulog ang mga Pinoy dahil walang dumating na tauhan ng embahada ng Pilipinas na aalalay sa kanila.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang 51 Filipino na nakarating sa border ng Egypt ay ang unang batch ng mga Pinoy na inanunsyo ng Department of Foreign Affairs na nailikas na mula sa Khartoum, Sudan, na matindi ang bakbakan ng magkalabang grupo ng militar at paramilitary.
Pero reklamo ng mga Pinoy na karamihan ay estudyante ng Islamic studies, walang taga-embahada ng Pilipinas na sumalubong at umalalay sa kanila pagdating nila sa Alqin, Egypt, na tatlong araw nilang nilakbay sakay ng bus.
Ang embahada ng Pilipinas sa Egypt ang nakasasakop sa Sudan.
Giit ni Haniph Bin Michael Francisco, estudyante, alam at may koordinasyon sila sa taga-embahada ng Pilipinas sa Egypt. Hindi raw sila paalisin ng kanilang unibersidad kung walang koordinasyon sa embahada ng Pilipinas.
Ayon pa kay Francisco, una ay sinabihan sila na may naghihintay sa kanila sa border. Pero nang dumating sila sa border, sinabihan sila na darating pa lang ang mga taga-embahada ng 10:am.
"Hanggang sa umabot ng ala-una, wala pong dumating. Sabi 30 minutes to 45 minutes na naman, hintay kayo ng 45 minutes kasi parating na kami. Hanggang alas kuwatro ng hapon, sinabi na naman sa amin 30 minutes hanggang sa umabot po ng gabi walang dumating na tulong sa amin,” patuloy ni Francisco.
Kailangan ang tauhan ng embahada sa pagsalubong sa mga Pinoy na mula sa Sudan, upang payagan silang makapasok sa Egypt.
Isang Honorary Consul umano ang dumating sa lugar na isang Egyptian pero umalis din at iniwan umano ang mga Pinoy.
Dahil sa nangyari, sa gilid na lang umano ng kalsada natulog ang mga Pinoy na walang kain at halos walang mainom na tubig.
Isa pang Pinoy na estudyante ang nagpahayag tungkol sa pangako umano ng embahada na tulong na daratnan nila pagdating sa Egypt kapag umalis na sa Khartoum.
Sa ngayon, mayroon pa umanong 300 Pinoy na bumibiyahe patungo sa border ng Egypt. Ang Sudanese na Philippine Honorary Consul umano sa Khartoum ang nag-asikaso sa mga masasakyan ng mga ito.
Sinabi umano ng Philippine Embassy sa Cairo na nakausap na nila ang Egyptian Ministry of Foreign Affairs para payagang makapasok sa Egypt ang lumikas na mga Pinoy.
Patungo na raw sana sa border si Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago pero naaksidente ang kaniyang sinasakyan kaya bumalik ito sa Cairo.
Pero lilipad daw ang opisyal patungo sa border para asikasuhin ang mga Pinoy.
Patungo na rin umano si Cairo si Migrant Workers Secretary Susan Ople para tumulong sa paglikas sa mga Filipino.
Umaasa ang mga Pinoy na nakaalis na sa Sudan na magiging mabilis ang aksiyon ng pamahalaan ng Pilipinas para tulungan sila. --FRJ, GMA Integrated News