Patuloy na hinahanap ang apat na Filipino na kabilang sa mga nawawala sa Turkey dahil sa pagtama ng lindol doon at sa katabi nitong bansa na Syria. Ang isang Filipino na unang iniulat na nasawi, buhay pala at nailigtas na.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes sa Filipino community leader sa Ankara, Turkey na si Cherilyn Santos, sinabi nito na ligtas na ang isang kababayan na unang iniulat ng amo na nasawi.
Ang nasagip na Filipino ay naninirahan sa isang gusali kasama ang apat pang kababayan na patuloy na nawawala.
"Kahapon may na-recover na isang kababayan natin na two days ago, napabalitang patay, kinonfirm ng amo na patay. Pero na-recover siya kahapon lang ng hapon. So far, safe po siya," kuwento ni Santos.
Hindi tinukoy ni Santos ang pangalan ng mga Pinoy dahil hindi siya awtorisado na magbigay ng naturang mga detalye.
"Sa mga kababayan natin, meron pa talagang nawawala dahil magkakasama sila sa isang building," aniya. "Lima po sila eh, pero na-recover na 'yung isa."
Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Turkey na dalawang Pinoy na ang kumpirmadong nasaktan sa nangyaring lindol at maayos na ang kanilang kalagayan.
Nagtungo na rin umano ang mga tauhan ng embahada sa mga apektadong lugar para mamahagi ng tulong at alamin ang sitwasyon ng mga Pinoy.
Nauna nang sinabi ng embahada na tinatayang 248 Filipino ang naapektuhan ng malakas na lindol.
Batay sa ulat ng Ruters, umabot na sa mahigit 12,000 katao ang nasawi sa Turkey at Syria bunga ng 7.8 magnitute na pagyanig.
Nagpadala naman ang pamahalaan ng Pilipinas ng 85-man response team sa Turkey upang tumulong sa paghahanap at paggamot sa mga biktima. Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), nasa Istanbul na ang grupo.
Binubuo ito ng Emergency Medical and Urban Search and Rescue Teams mula sa 525th ECBn, PA, 505th SRG, Metropolitan Manila Development Authority, Subic Bay Metropolitan Authority, Department of Health, at OCD.
"Our response team just confirmed that they just landed at Istanbul," sabi ni OCD Joint Information Center head Diego Agustin Mariano sa mga mamamahayag. --FRJ, GMA Integrated News