Inaasahang darating sa Biyernes sa Pilipinas ang mga labi ng Pinay household worker na brutal na pinatay umano ng 17-anyos na anak ng kaniyang amo sa Kuwait.
Sa press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Foreign Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega, na sinagot ng employer ng biktimang si Jullebee Cabilis Ranara, ang mga gastusin para maiuwi sa Pilipinas ang mga labi nito.
Nakita noong Linggo sa disyerto ang sunog na bangkay ng biktima. Batay sa lumabas na mga ulat sa media sa Kuwait, hinalay at nabuntis umano ng 17-anyos na suspek ang biktima.
Dalawang ulit din daw na sinagasaan ng suspek si Ranara. Nadakip na ng awtoridad ang suspek.
Tumanggi si De Vega na magbigay ng detalye sa kaso ng biktima bilang respeto umano sa pamilya nito.
"The embassy is obtaining official confirmation from Kuwaiti authorities on the details and tragic circumstances surrounding the death of Ms. Ranara that were reported in English and Arabic news media in Kuwait," ayon sa pahayag ng DFA.
Ikinalugod naman ng DFA ang mabilis na pagkilos umano ng Kuwaiti Police, lalo na sa pagdakip sa suspek.
Patuloy umanong makikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa Kuwaiti Government tungkol sa kaso. Kumuha rin ng bagong abogado ang DFA na tututok sa kaso.
“We have an embassy funded lawyer on retainer, who handles not just this case but all cases of Filipino migrant workers in Kuwait. He has been assisting the ambassador and vice consul in discussions with the Kuwaiti prosecutor in the pursuit of justice for Jullebee,” ani De Vega sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras.”
“The Department of Migrant Workers (DMW) announced that they are hiring a lawyer or they have hired a lawyer. We will give way to them if that is the case,” dagdag ng opisyal.
Sa ulat naman ni Chino Gaston sa “24 Oras,” inihayag umano DMW na tutulong ang pribadong abogado sa public prosecutors lalo pa't menor de edad ang suspek.
“The suspect is a minor. Well, that's exactly the reason why we are retaining our legal services to be able to navigate 'yung criminal justice system sa Kuwait,” sabi ni DMW spokesperson Toby Nebrida.
“Mabilis naman 'yung, for example, 'yung arrest ano and then 'yung nahanap 'yung remains in less than 24 hours after she was reported missing wala kaming nakikitang hadlang doon sa coordination work that is being done,” dagdag ni Nebrida.
Bukod sa death benefits at insurance, makatatanggap ang apat na anak ni Ranara ng educational scholarships na bahagi ng benepisyo na ipinagkakaloob ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).—FRJ, GMA Integrated News