Kinasuhan ang anim na Pilipino na nakabase sa California dahil sa pagpapatakbo umano ng isang malawakang marriage fraud "agency" na nagsasa-ayos ng daan-daang mga pekeng kasal para maiwasan ang mga batas ng imigrasyon ng Estados Unidos.
Kabilang ang anim na Pinoy sa 11 na kinasuhang indibidwal nitong Biyernes dahil sa sabwatan nila umano sa pamemeke ng kasal at mga immigration document:
- Marcialito Biol Benitez, a/k/a “Mars,” 48, isang Pilipino na naninirahan sa Los Angeles;
- Engilbert Ulan, a/k/a “Angel,” 39, isang Pilipino na naninirahan sa Los Angeles;
- Nino Reyes Valmeo, 45, isang Pilipino na naninirahan sa Los Angeles;
- Harold Poquita, 30, isang Pilipino na naninirahan sa Los Angeles;
- Juanita Pacson, 45, isang Pilipino na naninirahan sa Los Angeles;
- Felipe Capindo David, a/k/a “Pilipi” o “Peebles,” 49, isang pambansang Pilipino na naninirahan sa Los Angeles;
- Peterson Souza, 34, isang Brazilian na naninirahan sa Anaheim, California;
- Devon Hammer, 26, ng Palmdale, California;
- Tamia Duckett, 25, ng Lancaster, Inglewood at Palmdale, California;
- Karina Santos, 24, ng Lancaster, California; at
- Casey Loya, 33, ng Lancaster at Palmdale, California.
Walo sa mga nasasakdal, kabilang si Benitez, ang dinakip sa California. Humarap sila sa federal court sa Central District ng California at haharap sa korte sa Boston sa ibang araw.
Base sa akusasyon, pinatatakbo ni Benitez ang tinutukoy niya at ng iba pa na "ahensiya" na nagsasa-ayos ng daan-daang pekeng kasal ng mga umano'y kliyente na foreign national at United States citizens.
Isa sa mga kliyenteng foreign national ay naninirahan sa Massachusetts.
Matapos nito, ihahanda at isusumite ng ahensiya ang mga pekeng petisyon, application at iba pang mga dokumento para pagtibayin ang mga pekeng kasal at baguhin ang status ng mga kliyente sa immigration, kapalit ng bayad na $20,000 hanggang $30,000 na pera.
Pinatatakbo umano ni Benitez ang ahensiya sa mga brick-and-mortar na opisina sa Los Angeles, kung saan tinanggap niya ang kaniyang mga kasabwat umano bilang staff.
Base pa sa mga alegasyon, tumulong sina Valmeo, Ulan, Poquita at Pacson sa pagsasa-ayos ng mga kasal at pagsusumite ng mga dokumento ng pekeng kasal at immigration para sa mga kliyente ng ahensiya, kabilang ang false tax returns.
Nagsilbi namang mga “broker” sina Hammer, Duckett, Santos at Loya na nag-recruit ng US citizens na handang magpakasal sa mga kliyente ng ahensiya, kapalit ng paunang bayad at buwanang pagbabayad mula sa mga asawa ng mga kliyente pagkatapos ng kasal.
Tiniyak din nila ang pagtugon at kooperasyon ng US citizens hanggang sa makakuha ng legal na permanenteng resident status ang inasawa na kliyente.
Bukod dito, nag-refer din sina Souza at Capindo David ng mga prospective na kliyenteng foreign national para sa ahensiya kapalit ng komisyon na karaniwang nasa $2,000 kada referral.
Matapos magpares ng mga kliyenteng foreign national at ng US citizens, magsasagawa umano sina Benitez at ang kaniyang staff ng mga pekeng seremonya ng kasal sa mga kapilya, parke at iba pang lokasyon, na babasbasan ng mga inarkilang officiant online.
Para sa karamihan ng mga kliyente, kukuha umano ang ahensiya ng mga larawan ng mga hindi dokumentadong kliyente at citizen spouses kasama ang wedding decorations na props bago ito isusumite kasama ang immigration petitions.
Nagsumite umano sina Benitez at ang kaniyang staff ng mga peke na marriage-based immigration petitions sa US Citizenship and Immigration Services (USCIS), ang federal agency na responsable sa pagbibigay ng legal na permanenteng resident status.
Batay din sa alegasyon, tinuturuan ni Benitez at ng kaniyang staff ang mga kliyente at ang kanilang mga asawa sa pagsagot sa interbyu ng USCIS at pinapayuhan ang mga kliyente para palabasing tunay ang kasal sa kanilang mga asawa.
Nagsasaayos na sina Benitez at ang kaniyang mga kasabwat ng mga pekeng kasal at nagsusumite ng mga pinekeng immigration document para sa 400 na kliyente mula Oktubre 2016 hanggang Marso 2022.
Bukod dito, tinutulungan pa ni Benitez at ng kaniyang mga kasabwat ang mga kliyente na makakuha ng green card sa ilalim ng Violence Against Women Act (VAWA) kapag hindi na tumutugon o ayaw makipagsabwatan ng kanilang mga asawang US citizen, sa pamamagitan ng pagsasabing inabuso umano sila.
Nagsusumite rin umano ang ahensiya ng mga pekeng aplikasyon sa ngalan ng mga kliyente para sa temporary restraining orders laban sa mga asawa nila batay sa mga gawa-gawang akusasyon ng domestic violence.
Matapos nito, isusumite ni Benitez at ng kaniyang mga kasabwat ang restraining order documentation kasama ang mga immigration petition sa USCIS, para samantalahin ang mga probisyon sa VAWA na pagpayag sa mga biktima ng pang-aabuso pero hindi US citizen na mag-apply ng permanent resident status kahit na hindi kasama ang kanilang mga asawang Amerikano.
May sentensiyang hanggang limang taon na pagkakulong, tatlong taon ng supervised released at multang $250,000 ang sinumang nakikipagsabwatan sa pagpeke ang kasal.
Ipinapataw ng federal district court ang mga sentensiya batay sa US Sentencing Guidelines at mga batas na namamahala sa pagpapasiya ng sentensiya sa isang kriminal na kaso. —Jamil Santos/LBG, GMA News