Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mangangailangan ng mga English teacher ang Taiwan. Ang mga matatanggap, posibleng tumanggap daw ng buwanang sahod na NT$62,720 o katumbas ng mahigit P115,000.00
Aabot umano sa 450 teaching positions ang bubuksan ng Ministry of Education (MOE) ng Taiwan para sa mga dayuhan na magtuturo sa primary and secondary public schools sa taong 2022.
Bahagi umano ito ng plano ng pamahalaan ng Taiwan na maging secondary language nila ang Ingles pagsapit ng 2030.
Sa ilalim ng Taiwan Foreign English Teacher Program (TFETP), bukod sa sahod na NT$62,720, may iba pang benepisyo na matatanggap ang English teacher tulad ng travel subsidy at health insurance.
Gayunman, sinabi sa pahayag ng DOLE na magiging depende ito sa educational attainment ng guro.
Ang mga aplikante ay kailangang mahusay sa pagsasalita ng Ingles, isang Bachelor's degree o higher degree, at walang criminal record.
Bagaman hindi na kasama bilang rekisito, makatutulong umano kung may license o teaching credentials ang aplikante.
Bukas ang aplikasyon hanggang March 31, 2022, at maaaring mag-apply online sa: https://tfetp.epa.ntnu.edu.tw.
Ayon sa DOLE, mayroong 193 Filipino teachers ngayon ang nasa Taiwan. —FRJ, GMA News