Mabuti na ang kalagayan ng 67-anyos na Filipina na ginulpi ng isang lalaki sa New York. Ang suspek, sinampahan na ng kaso.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nakaugnayan na ng Philippine Consulate General sa New York ang mga kaanak ng biktima.
“We were informed that her mother is in stable condition and could be discharged anytime. Kasi Friday pa siya na-hospitalized as the result of the injuries she sustained that included the bleeding and facial and head fractures,” ayon kay Philippine Consulate General in New York Consul General Elmer Cato.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at mukha ang biktima dahil sa mga sipa at suntok na mahigit na 100 ulit na kaniyang tinamo.
Naaresto ang 42-anyos na suspek na si Tammel Esco, na kinasuhan ng attempted murder at assault as a hate crime.
Kinondena ng ilang opisyal ng Asian American Democratic Committee, mga mambabatas, at Yonkers Mayor Mike Spano ang nangyaring insidente.
Tiniyak naman ng mga awtoridad sa New York ang mga Filipino at Asian communities, na handa itong tumulong sa kanila at isumbong ang mga katulad na insidente.
Ayon sa Philippine Consulate General sa New York, karamihan sa mga nahuhuling sangkot sa pananakit sa mga Asyano sa New York ay may mga dati nang kaso ng pananakit at may problema sa pag-iisip.
“Yung isang common na ano siguro pattern dyan is that many of the cases involved are homeless people,” ani Cato.
Pinaalalahanan ng konsulado ang Filipino communities na maging alerto at iwasan ang dumaan sa mga madidilim na lugar.
Pinag-iingat din sila kapag nasa subway dahil sa insidente ng panunulak sa mga biktima sa riles.
Mayroon na ring self defense training na ibinibigay tuwing Lunes na isinasagawa ng mga Filipino-American self defense expert. --FRJ, GMA News