Ipinakulong umano ng kanyang amo sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang isang OFW na nagtatrabaho bilang kasambahay dahil sa mga litrato umano nitong hubad na naka-save sa kanyang cellphone.
Sa ekslusibong panayam ng GMA News sa hipag ng OFW na si Ana (hindi tunay na pangalan), sinabi nito na ipinakulong daw ng amo ang kanyang hipag dahil sa mga selfie nitong nakahubad.
Napag-alaman daw niya ang nangyari kay Ana matapos siyang mag-message sa amo nito upang itanong kung bakit hindi na nakapag-online ang kanyang hipag.
"Simula nuong hindi na siya nag-online, nag-message ako sa kanyang boss na lalaki sa Whatsapp. Tinanong ko po siya [ang amo] kung ano na ang nangyari kay Ana at hindi na ito nagkapag-online. Sagot po ng amo na ‘nahuli si Ana na nag-selfie sa kwarto na naka hubad’,” ayon sa hipag.
Sinabi raw sa kanya ng amo na dinala sa police station si Ana dahil sa mga litrato sa cellphone.
"Huli po siyang nag-online Sabado last week, bale pito o walong araw na po sa ngayon na hindi na siya nag-online. Ibig sabihin simula nung hini na sya nag-online, yun po siguro yung unang araw na dinala sya sa pulis," dagdag pa ng hipag ni Ana.
Dagdag pa nito, hindi pa umano na bayaran ang apat na buwan ang sahod ni Ana, at tapos na ang kontrata nito.
Hindi naman naniniwala ang mister ni Ana sa inaakusa ng among Saudi at nakiusap ito na matulungan ang kanyang asawa na makalabas sa kulungan at makauwi na ng Pilipinas.
"Sir, sa totoo lang, hindi po magagawa yan ng asawa ko na maghubo't hubad, siguro sir sexy short siguro po,” ayon sa asawa ni Ana.
Sinabi naman ni Philippine Overseas Labor Office (POLO) Jeddah Labor Attaché Roel Martin na tutulungan nila ang nakulong na OFW.
"Kami ay nalulungkot na may mga ganitong kwento pero bilang labor attache sa POLO Jeddah ay asahan ng ating OFW pati ang kanilang kamag-anak na tutulong tayo… we will also refer this to the Philippine Consulate para makita, ma-assess, ma-evaluate kung anong tulong at ipapatawag din natin ang kanyang agancy para naman sama-sama tayong tulungan ang OFW," pahayag ni Labat Roel.
Payo niya sa mga OFW na isiping mabuti ang lahat ng gagawin at kung may mga hindi kanais-nais at alanganin na gagawin ay dapat pag-isipan nang maraming beses. —LBG/FRJ, GMA News