Nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello III na posibleng ikonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ban sa Saudi Arabia kapag hindi nabigyan ng hustisya ang dalawang Pinay na kasambahay na hinalay ng kani-kanilang amo doon.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing Hunyo 17 nang magpasaklolo ang OFW na itinago sa pangalang "Rose" dahil inaabuso umano siya ng kaniyang among lalaki, at sinasaktan ng among babae.
Kaagad namang sinagip si Rose at nakauwi na sa Pilipinas.
Samantala, inabuso rin umano ng mga amo ang OFW na itinago sa pangalang "Michelle."
"She was sexually abused, meaning raped by her former employer, who is a policeman, and 'yong present employer niya. She is now pregnant for 2 months," ani Bello.
Nakauwi na rin ng bansa si Michelle.
Inatasan ni Bello ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na suspindihin ang foreign at local recruitment agency ni Michele habang isinasagawa ang imbestigasyon.
"If we don't get justice for our OFWs, the president may again consider declaring a ban to Saudi Arabia," anang kalihim.
Nitong Hunyo, sumulat si Duterte sa King of Saudi Arabia, upang hilingin na magpatupad ng mga reporma tungkol kapakanan ng mga OFW tulad ng pag-alis ng sponsorship system.
Sinabi naman ng Saudi Arabia na bukas silang pag-usapan muli ang memorandum of agreement for labor reform initiatives. --FRJ, GMA News